Kung tutuusin, maraming kontrabida ang kabilang sa cast ng The Half Sisters. Hindi nga lamang lahat ay masama ang ugali ng kanilang character tulad ng kay Jean Garcia. Sino ba naman ang hindi nakakaalala sa evil face ni Jean kapag siya ang nang-aapi noon sa mga bida?
 
Dahil batikang kontrabida na si Jean, marami na siyang tips na puwedeng ibigay sa baguhang villains ngayon tulad ni Thea Tolentino.
 
Ikinuwento sa amin ni Jean ang ilang kontrabida tips na ibinigay niya sa The Half Sisters star.

“Actually kapag nagkakaeksena kami ni Thea, sinasabihan ko siya palagi na, ‘Thea huwag ipitin, tanggapin mo. Tinanggap mo rin naman din ‘tong character na ito. Ibigay mo na,’” saad niya.
 
Hindi raw kasi maganda na pinipigilan ni Thea ang kanyang emosyon. Lalo pa kung galit ang kailangan niyang ibigay sa eksena.
 
Ani Jean, “Kasi kapag ipit, hindi siya ma-a-appreciate. ‘Di ba? Kapag hindi ibigay.”
 
Sinunod naman daw siya agad ng batang aktress. Saad niya, “Eh ibinigay, ang galing!”
 
Mula raw noon, natutuwa na siya kay Thea dahil lumalabas na ang galing nito sa pagiging kontrabida. Lagi niya raw pinapaalala sa teen star na nasa tamang landas siya.

Aniya, “Sinabi ko naman sa ‘yo anak na tama ‘yung ginagawa mo. You’re on the right track.”
 
Mayroong payo si Jean sa mga baguhang artista ngayon. “Kasi ganoon talaga eh. Kailangan mong angkinin ‘yung role mo. Kung kontrabida ka, kontrabida ka talaga. At para ma-enjoy ng audience ‘yung pagiging kontrabida mo, kailangan [ay] lumabas talaga, all out, lahat ibibigay mo. Hindi ipit, hindi ‘yung parang conscious ka na may magagalit sa ‘kin ‘yung mga tao,” bahagi niya. — Al Kendrick Noguera/Elisa Aquino, GMANetwork.com

News Source: GMA NEWS TV